Sunday, February 6, 2011

A Walk Tour in QC | Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Hindi ko maitatanggi na ang Unibersidad ng Pilipinas ang aking pangarap na pamantasan. Kaya naman laking panghihinayang ang aking nadama nang makakuha ako ng UPCAT result na 2.62. Naalala ko pa ang mga panahong iyon ng UPCAT 2008, ika-12 ng Agosto, linggo ng madaling araw, pumunta ako sa gusali ng Institute of Biology upang kumuha ng pagsusulit, kinakabahan at nilalamig, kasama ang tatlong lapis na Mongol #2.

Sadyang walang epekto sa aking ang isang pagsusulit na "right minus wrong," sinasagutan ko pa rin kahit hindi ko alam, napapasailalim sa kapangyarihan ng titik 'C'. Sadyang ganun ang kapalaran, hindi para sa akin ang unibersidad na ito sa ngayon.


Kanina ay bumalik ako sa unibersidad, hindi para kumuha ng pagsusulit kundi para maglakbay. Alas-cuatro ng hapon, bumaba ako sa sakayan ng UP-ikot sa PHILCOA. Sa una'y inisip ko na sumakay ng jeep, ngunit nangibabaw ang pagtitipid at hilig sa paglalakad. Mula PHILCOA, nilakad ko ang kahabaan ng University Avenue, may kasamang kaba dahil sa talahiban na nasa gilid ko (may kung anong kaluskos akong naririnig).

Lumipas ang labin-limang minuto ng paglalakad, nakaharap ko sa unang pagkakataon si Oble. Si Oble ay ang lalaking nakahubad nang walang pag-aalinlangang at nakatayo sa harap ng mga UP Campus. Likha ng Pambansang Alagad ng Sining na si Guillermo Tolentino, na sinasabing hinubog mula sa katawan ng tatay ni FPJ. Ayon din sa mga nabasa ko,  ang nakaharap ko ay isang replica lamang, ang orihinal na Oble ay matatagpuan sa UP Library.




Tumuloy ako sa Bulwagang Quezon. Pinagtinginan ako matapos kong buklatin ang aking mapa. Napagpasyahan kong ikutin ang oval ng kasunod-sa-orasan.




Sinimulan kong lakarin ang kalye Osmeña kung saan samu't saring tao ang aking nakasalubong, mga nagjojogging, nagbibisikleta, nagpapaikot ng bote sa kamay, naghahabulang mga bata, at mga litratistang kagaya ko. Sunud-sunod din ang mga gusaling aking nadaanan, mula Bulwagang Plaridel at ang katabi nitong Bulwagang Abelardo na sinundan pa ng gusali ng UP Theater. Maya-maya pa'y naisip ko bigla ang isawan na nabalitaan kong mabenta sa mga taga-UP, inisip kong mabuti, hindi ko pala alam ang kinaroroonan nito. Kaya naman nagbaka-sakali na lang ako na makasalubong ng taong kumakain ng isaw at saka tatanungin kung saan ito nabili.







Lumipas ang ilang minutong paglalakad, narating ko ang Sunken Garden ngunit wala pa ring isaw na nagpapakita. Nilapitan ko ang ilang kabataang naglalaro sa daluyan ng tubig sa isang gilid ng Sunken, matinding kagalakan ang kanilang pinakita nang itinutok ko sa kanila ng camera, ako nama'y lubos na natuwa rin nang tawagin nila akong manong. Nagpatuloy sila sa paglalaro nang sila'y aking iwanan (nakalimutan ko ang pakay kong tanungin sila tungkol sa isawan). Maraming tao sa Sunken sa mga oras na iyon, may nag-pipiknik, naglalaro ng football, volleyball at badminton, mayroon ding mga sumasayaw at nakatambay lang sa lilim ng puno.



Nagpatuloy ako sa paglalakad, derederetso paakyat sa isang gilid ng Sunken. Napansin ko na medyo maputik ang aking nilalakaran, nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. Sa muling pag-apak ko sa isang bahagi ng lupa, isang di inaasahang kaganapan ang nangyari sa akin. Lumubog ang kaliwa kong paa sa mala-palayang putik ng Sunken Garden. Tinuloy ko pa din ang paglalakad, umaasang matigas na ng lupa sa bandang dulo. Ngunit sadyang hindi naayon sa akin ang kapalaran, muling lumubog ang aking kaliwang paa, naramdaman ko ang malamig na putik sa pumasok sa sakong ng aking medyas. Nataranta ako na baka may kumunoy na sa bahaging iyon. Nais kong sumigaw ng saklolo ngunit nahiya ako. Tumakbo ako pabalik habang humahagikgik. Napunta ako malapit sa mga naglalaro ng football, tumingin sila sa akin habang kinikiskis ko ang aking maputik na sapatos sa damuhan. Bahagya akong napahiya, ngunit bakas pa rin ang saya sa mukha ko mula sa kakaibang karanasan sa Sunken Garden. (Malay ko ba na maputik doon)




Bumalik ako sa kalsada, hindi komportable ang pakiramdam sa paglalakad. Umupo muna ako sa isang upuan, hinubad ang sapatos at tinaktak ito, pinunasan ko din ang natutuyong putik sa aking medyas. Habang nakaupo, napansin ko ang mga pangalang nakabakat sa sidewalk, inisip ko kung para saan ito, ngunit hindi ko maisip. Nagpatuloy ako sa paglalakad at nakasalubong ang mga jeep na biyaheng UP-ikot.






Nilapitan ko ang katipunerong nasa harap ng Bulwagang Vinzon nang may dumaan na dalawang babae na nag-uusap. Narinig ko na sinabi ng isa, "nakay kuya Wens pala tayo." Ganun pala ang tawag nila sa bulwagang ito.

Maya-maya pa'y nakaramdam na ako ng uhaw, nakita ko ang isang tindahan sa gilid. Bumili ako ng inumin, at nagpahinga pansamantala. Alas-cinco na pala ng hapon, nakita ko ang magandang kulay ng langit malapit kay Oble.

Naglakad akong muli pabalik kay Oble sa kalye Roxas. Sa daan ay muli kong nakita ang Bulwagang Palma kung saan ako umupo matapos kunin ang UPCAT noon. Nasa likod ng bulwagang iyon ang Institute of Biology na aking pinag-examan.


Nakabalik ako sa harap ni Oble tatlumpung minuto pagkalipas ng Alas-cinco ng hapon. Kinuhanan ko siya ng larawan mula sa iba't-ibang anggulo. Nakuntento lamang ako pagkalipas ng dalawampung minuto.







Sumakay na ako ng jeep pabalik sa PHILCOA nang bigla kong naalala ang isawan na hindi ko nakita.

Bumaba ako sa tapat ng UP Techno Hub at muling sumakay ng jeep ng pabalik na ng bahay. Dalawa lamang kaming pasahero noon nang sumakay ang tatlong kahina-hinalang lalaki. Umupo sila nang magkakahiwalay: isa sa aking harap, sa aking kaliwa at sa dulo ng jeep sa tapat ng isa pang pasahero. Nakabayad na ako ng onse pesos na pamasahe. Tinitigan ko sila, nakita ko ang pag-uusap nila gamit ang mata. Pamilyar na sa akin ang ganoong tinginan at alam kong may plano sila na manghold-up. Agad akong pumara pagliko ng jeep sa Quezon Circle, hindi na kinuha ang naibayad ko nang pamasahe at iniwan ang isa pang pasahero kasama ng tatlong holdaper.

Lumabas ang instinct kong iyon dahil limang beses na akong nakatakas mula sa pang-hohold-up. May kung anong anting-anting siguro ako at sadyang walang nagtatagumpay na holdaper sa akin.

Muli akong sumakay ng jeep sa harap ng techno hub, at sa awa ng Diyos, naka-uwi na ako ng matiwasay.


________________________________________________________________________


This is my first post for the Pinoy Travel Bloggers' Blog Carnival for the month of March. The theme: "Best One Day Itinerary" and is being hosted by Travel Photographer Karlo de Leon of 4AM Chronicles.


.

12 comments:

  1. interesting experience in UP.. i miss the campus tuloy. :)

    ReplyDelete
  2. asteeg ng shots! you make me miss the campus! )

    ReplyDelete
  3. @happysole, it really was a great experience.
    @PSB, salamat po ms. gael,

    @winkle, wla lang haha. salamat sa pagbasa.

    ReplyDelete
  4. magaling at maganda ang mga larawan..at nakakamiss magsulat ng tagalog..hindi dahil sa ako ay magaling mag ingles,kundi dahil hindi ako bihasa sa mga titik ng ating sariling wika sa kompyuter (naks naman!)

    ReplyDelete
  5. interesting shots of oble, (ano kaya nangyari dun sa naiwan na pasahero sa jeep?)

    ReplyDelete
  6. such a beautiful complex. UP is a good place to relax, run and eat... isaw!!! i miss it!!!

    ReplyDelete
  7. @ms claire.. ayoko na alamin, baka makonsensya lang ako.

    ReplyDelete
  8. uy pwede na palang mag long board... hmmm...

    ReplyDelete
  9. @fetus. yup.. andami na nila.. lalu na sa harap ng Palma hall.

    ReplyDelete
  10. nakaka-miss ang UP...three weeks din kaming nag-seminar dyan.palagi kaming nag-jog dyan sa academic oval.

    ReplyDelete
  11. too sad maikli lang ang stay mo. I'd be happy to join you kapag bumalik ka. There's more to discover in UP, especially ung mga kainan dun na unti-unting dumadami. And of course, the Lantern Parade and the Oblation Run. :)

    Galing din ng mga shots, Ivan! :) Congrats!

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...