Thursday, March 22, 2012

Pamamaalam sa Pamantasan: Ikalawang Bahagi

Sa mga hindi pa nakakabasa ng Unang Bahagi, sundan ang link na ito.

Napakabilis ng panahon, parang kahapon lang ay hayskul pa ako. Ilang tulog na lang ay papasukin ko na ang mundo bilang isang fresh-grad na biology student. Ano kayang pang-yabang ang mailalagay ko sa Curriculum Vitae? Sapat na nga kaya ang apat na taon kong pananatili sa pamantasan?   


Yugto II: Buhay Sa BS Biology

Alam ng mga kamag-aral ko kung anong klaseng paghihirap ang dinanas namin sa nakalipas na anim na semestre. Minsan natatawa na lang kami kapag naaalala namin ang ilang gabing walang tulog, ang pag-mememorize ng makakapal na libro para sa exam kinabukasan pero malalaman mong hindi pala iyon ang kasama sa exam, ang nakaka-bulol na mga scientific names na kailangan din imemorize, ang walang humpay naming pakikisalamuha sa mga bacteria, bulate, at halaman... haaay.. napakaraming karanasang ayoko nang balikan.  

Ang buhay ko sa BS Biology ay binuo ng tatlong bahagi: Ang mga Profs, ang mga Kamag-aral at ang malulupit na Karanasan.  

Ang Mga Profs

Siyempre hindi kumpleto ang buhay sa BS Biology kung wala ang mga propesor at propesorang nag-tiyagang magpahirap sa amin. Sila ang mga taong isusumpa mo dahil walang sawa ka nilang pinahirapan sa loob ng mahabang panahon. Gayunpaman, malaki ang aking pasasalamat sa mga taong ito. Utang na loob ko sa kanila ang tagumpay na makakamtan ko sa oras na kunin ko ang diploma sa entablado. Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga profs nag-ambag ng kaalaman sa aking munting kaisipan.
1. Señor L - ang propesor na kamukha ni Pringles. Siya ang propesor namin si Physics I. Magaling naman siya pero sadyang nahihirapan akong sagutan ang mga problem niya. Parang wala nga akong pinasang exam sa kanya e. Pero kahit ganon, nakakuha pa rin ako ng 2.00 na final grade sa kanya. hoho
2. Mam M - (sumalangit nawa) tulad ni Señor L, propesora din siya sa Physics. Kaya lang natatakot kami sa kanya dahil talaga namang masungit ang propesorang ito. Pumanaw na siya dahil sa isang malubhang karamdaman. Sinama niya rin sa hukay ang pangarap ng karamihan sa amin na makakuha ng cum laude.

3. Mam D - ang paborito kong prof sa chemistry. Dati talagang ayaw ko ng chemistry pero nang siya ang nagturo sa amin, naging madali ang lahat. Friend ko rin siya sa facebook, minsan nagugulat na lang ako nagla-like na lang siya sa mga post ko, minsan nag-cocomment pa (kaya ayaw kong maglagay ng negative comment dito haha, baka bigla niyang mabasa). Napagalitan na niya kami minsan, pano ba naman kasi, walang nag-dala ng Whatman's Filter Paper sa laboratory class namin. Doon ko unang nasaksihan ang pagka-mataray ni Mam D.

4. Dr. S - isa pang propesora sa chemistry. Siya yung propesora na maari mong ihalintulad kay Helen Gamboa, napakahinhin, parang hindi makabasag pinggan. Kailanma'y hindi ko siya narinig na nagalit sa amin kahit pa dumadagungdong na ang 6th floor ng Gusaling Lacson.

5. Mam E - hindi ko siya naging prof, hindi rin niya ako kilala sa pangalan. Pero siya ang pinaka sikat sa faculty ng College of Science. Siya lang naman ang resident bantay ng buong 6th floor ng Gusaling Lacson. Sa kanya mo unang hahanapin ang susi sa bawat silid doon. Siya rin ang dakilang taga-sita ng mga tumatambay at nagpapalamig sa aircon ng mga SIRLS. Bukod sa dito, sikat din si Mam E dahil sa kanyang kumikitang kabuhayan. Pwede kang bumili sa kanya ng candy, fish crackers, skyflakes, hello at kung anu-ano pang pampalubag-loob kapag di ka pumasa sa mga exam.
6. Gng. A-M - Dating binibini pero bigla na lang nagpakasal at ngayon ay may bata sa sa kanyang sinapupunan. Naguguluhan kami sa kanya dahil maski siya'y naguguluhan din sa sarili niya. Lalo na kapag mayroong moving exam, tiyak na malilito ka kung saan ka susunod na pupunta. 

7. Mam C - Aliw na aliw din ako sa propesorang ito. Kasi naman parang laging fully loaded siya ng mga kwento at chismis. Hindi ka niya bibigyan ng katahimikan kapag nilapitan ka niya, hndi siya nauubusan ng kwenta, parang lahat ng sikreto ng bawat estudyante ay alam niya.  

8. Mam B - propesora namin sa Parasitology. Kitang kita mo sa kanya na isa siyang matalinong nilalang, supportive din siya sa mga estudyante. Medyo armalite nga lang siyang magsalita, mahirap sundan sa discussion. Moody rin siya, minsan natatakot ako kapag nakakasalubong ko siya, masyado kasing seryoso ang mukha niya kapag naglalakad sa hallway.

9. Ms. V - ang reyna ng mga halaman. Kahit na anong halaman ang itanong mo sa kanya ay alam niya ang scientific name nito, ang astig diba. Isa siya sa mga paborito kong guro sapagkat fair siya sa lahat ng bagay. Talagang tinutulungan niya ang mga estudyante na matuto sa mga aralin, kaya naman mataas lagi ang binibigay kong puntos sa kanya tuwing may evaluation ng mga profs.
10. Mam V - the disciplinarian. wag na wag kang male-late sa klase niya dahil sasaraduhan ka niya ng pinto. Isa siya sa mga gusto kong prof dahil kahit msyadong mahigpit ang kanyang sinturon, mabait pa rin at kasundo ng mga estudyante.

11. Sir L - ang bagitong propesor namin sa Ecology at Ethics. Siya rin ang naging thesis adviser ko. Hindi ko maitatanggi na malaki ang naging impluwensya niya sa tatahaking kong landas pagka-graduate, isa kasi siyang Marine Biologist. Marami na rin siyang napuntahan, medyo may dugong lakwatsero din. Napakalaki ng utang na loob namin sa kanya pagdating sa thesis, da best ka sir!!         

12. Mam J - ang kuwela at pinaka makulit na prof sa iba't ibang subjet. Hindi mo malalaman kung kelan siya seryoso sa lesson, kahit sa mga exam, hindi ko rin alam kung seryoso siya. Laging multiple choice siya magpa-exam, A at B lang ang pagpipilian. Minsan ok lang na hindi ka na lang pumasok sa klase niya. Mataas siya magbigay ng final grade kaya mahal siya ng mga estudyante.

13. Mam S - ang kilabot ng College of Science. Strikta pero makulit din. Noon nga, marinig ko pa lang ang pangalan niya, natatakot na ako. Mahirap siya magpa-exam, napakarami ng ipapabasa niya sa iyo pero kaunti lamang doon ang kukunin niya. Haay Mam S, parang walang meeting na hindi ako natulog sa klase mo, nasa harapan pa naman din ako nakaupo pero talagang malakas ang loob ko na matulog nang naka-nganga sa klase niya. Minsan magugulat na lang akong magsasabi siya ng "get 1/4", nako po, may exam pala. Sa kanya ako unang nakatikim ng 3.00 na grade, pero kahit ganon, love ko talaga si Mam S.

14. Mam A - ang aming dean, propesora sa Genetics, Radiation Biology at Biotechnology. Siya ang pinakamasungit sa lahat ng masungit na propesora. Hindi kumpleto ang araw na wala siyang sermon sa amin, lahat pinapansin, lahat sinisita. Anti-technology din siya, lagi niyang sinisisi ang internet sa pagbaba ng grades ng mga estudyante. Matutuwa lang siya sayo kapag nakita ka niyang bumisita sa chapel. Pero kahit kinamumuhian siya ng maraming estudyante, walang katumbas naman ang lessons in life na tinuro niya sa amin. Kung tutuusin nga, tama naman siya palagi, may punto ang bawat sermon siya sa amin. Kaya naman mahal ko si Mam A.

Ang mga Kamag-aral

Grabe, anim na semestre pala kaming nagkasama, nagkasawaan na sa mukha ng isa't-isa. Anim na semestreng puno ng tawanan, iyakan, at sungitan. Andami nila kung babanggitin ko sila isa-isa, pipili na lang ako sa mga papborito kong kamag-aral.
1. Grasya - syempre unang-una na si Grasya, ang babaeng walang emosiyon. Siya lang naman ang humalili kay Aidle Joy. Hindi kumpleto ang araw ko na hindi ko siya inaaway. Minsan nga ikaw na lang ang maasar dahil hindi siya napipikon. 

2. Lara - paborito ko rin si Lara kasi kamukha niya ang katulong namin sa bahay. Siya ang ideal friend ng bayan, maasahan at tiyak na mapagkakatiwalaan. Enrollment pa lang noon siya na agad ang nakasama ko sa pag-aaply sa BS Biology kaya naman talgang close kami nito.

3. Trixi - ang aking kapit-street (parang kapit-bahay, gets?). Siya ang madalas kong kasabay sa jeep pauwi at minsan papasok sa Pamantasan. Sa kanya ako madalas nagtatanong ng mga gawain sa school. Sa kaniya ko rin pinapaasikaso ang ilang bagay na dapat ako ang umaasikaso.

4. Maricar - ang aking ka-tandem sa thesis. Tatlong araw kamin nanirahan sa isang barong barong sa Isla Cagbalete para pag-aralan ang mga seaweeds at seagrass para sa thesis namin. Magkasundo kami nito, isang tingin pa lang, nagkakaisa na ang diwa namin.

5. Ate Ethel - ang higanteng si Ate Ethel, mas matanda ako sa kanya pero ate ang tawag ko sa kanya kasi nga mas matangkad siya sa akin. Pareho kami ng interes sa buhay, pareho namin gustong maging Marine Biologist sa hinaharap.

6. Master Esi - ang mastermind ng lahat. Kapag trip niyang mag-cut ng klase, talagang lalabas siya, at siyempre susunod ako sa kanya. Kitang kita sa personalidad niya ang pagiging independent. Kayang kaya niyang dalhin ang sarili niya.

7. Rose - ang crush ng bayan, beauty and brain, full package! Minsan ko rin siyang naging crush, pero umiwas na ako dahil anak siya ng pulis, mahirap na. Sugo rin siya ng Diyos, masyadong relihiyosa.

8. Mica - ang resident Koreana ng BS Biology. Kapag may free time siya, makikita mong nakaupo siya sa isang sulok at nanonood ng K-Pop. Kasundo ko siya sa tuwin napag-uusapan namin ang mga kaganapan sa Naruto Shippuden.

9. JK - si kuyang madrama sa buhay, close siya sa mga prof kaya naman siya ang front liner namin kapag may ipapaki-usap kami sa kanila. Maligalig siya, bigla na lang sasayaw sa corridor. Mabilis din siyang magsalita, parang armalite lang din.

10. Ropelson - isang ganap na badap, kaibigan siya ng lahat. Mahinhin, parang dalagang Pilipina. kasundo ko rin siya kapag usapang Naruto Shippuden.

11. Steph - isang intsik na madaldal. Hilig ko rin na biruin ang pagkatao niya, willing naman kasi siya sa mga ganong bagay.

12. Kuya Enteng - kasundo ko sa maraming bagay, sa kalokohan, sa sikreto at maging sa lakwatsahan. Kuwela siyang kasama at nagkakaisang diwa din kami sa isang tingin lang. Espesyal siya kasi siya lang sa amin ang walang appendix sa tiyan.
 
Ang mga Karanasan

Hindi matutumbasan ng anumang bagay ang mga kaganapang naranasan ko sa BS Biology. Tulad nga ng sinabi ko, ito ang pinaka makulay na yugto ng buhay ko. Kung bakit, malalaman niyo sa ilang saglit lamang.

Siguro'y kami na ang pinakasadista sa lahat ng mga kursong nilikha. Pano ba naman kasi, ilang hayop na rin ang aming kinatay para lang sa kalinangan ng aming isipan. Nariyan ang palaka, manok, daga, hamster, guinea pig, pusa, isda, snail, manok, pagong... ano pa ba? Talagang kumikitang kabuhayan ang mga tindero sa Aranque dahil sa mga biology students.

Bukod sa Aranque, suki din kami ng Bambang. Ito ang ultimate source namin ng mga laboratory equipment, mula sa mga maliliit na vial hanggang sa mga naglalakihang mga glassware.

Hindi lang hayop ang aming pinag-aralan, samu't-saring halaman din ang pinitas namin upang pag-experimentohan. Minsan nga, sa sobrang pagka-desperado namin na makakuha ng halaman nagtungo kami sa Luneta Park (Babala: bawal pumitas ng kahit ano sa Luneta Park). Sinong makakalimot sa pagkaka-dakip kay Ropelson dahil sa pagpitas niya ng bulaklak, basahin ang buong kuwento sa link na ito.
   
Ilang bata rin ang binilhan namin ng ice cream para lang piliting maglabas ng dumi. Kailangan kasi namin ito sa Parasitology class namin. Talaga naman hndi mo makakalimutang ang amoy ng fresh at manilaw-nilaw na t*e. Grabe ang halimuyak, sumusuot sa kalooblooban ng ilong.

Move! Lahat kami natataranta sa tuwing maririnig namin ang salitang yan kapag merong moving exam. Nagugulat na lang kami, binabasa pa lang namin ang tanong na mahaba, move na kagad. haay. Pinakapaborito kong moving exam ay ang sa Animal Morphoanatomy. Bukod sa mabilis na ang oras at napakaraming muscles na kailangang kabisaduhin pati ang OIA nito, sasabay pa ang nakaka-adik na amoy ng formalin habang ikaw ay nagsasagot sa mahahabang tanong. Halo-halo talaga ang maisasagot mo sa bawat item.

Naranasan ko rin ang hindi matulog ng isang gabi para lang makapag review. Lalo na tuwing finals exam, masuwerte ka na kung makakatulog ka ng isang oras. Pag-pasok kinabukasan, hindi ka in kapag wala kang maitim at matabang eyebag.

Berliner Buchdruckrei Actien Gesellschaft. Hinding-hindi ko na makalimutang ang mga katagang iyan. Ilang beses kong sinulat iyan sa papel para hindi ko malimutan. Gayundin ang buong angkan ni Rizal. Paboritong subject ko ang Rizal kaya naman wala akong angal kahit pag-basahin ako ng makapal na aklat sa asignaturang ito. Hindi tulad ng libro sa ibang subjects na talaga namang napaka-epektibong pampatulog. Isang minuto pa lang ng pagbabasa, namumungay na kagad ang mga mata ko.

Tamad akong estudyante. Ayaw na ayaw kong nahihirapan sa mga bagay-bagay. Kaya siguro unti-unting naglaho ang pagnanasa kong tumuloy sa pag-dodoktor. Sa kalagitnaan ng Ikatlong Taon ko sa Pamantasan, naramdaman ko ang matinding hirap sa pag-aaral, sinabayan pa ito ng pagkamulat ng dugong lakwatsero na nananalaytay sa dugo ko. Naglaho na parang bula ang childhood dream kong maging isang ganap na Doktor ng Medisina.

Thesis, ang pinakapaborito ko at pinakakinatamaran ko. Nanirahan ako ng tatlong araw sa Isla Cagbalete para pag-aralan ang mga seagrass doon. Ganitong trabaho ang nais ko, nasa field. Pero matapos ang field work, napako sa sa harap ng computer upang gawin ang napakaraming paperworks, hay. Pero nakaka-proud naman talaga matapos kong matagumpay na nadefend sa harap ng panel ang aking gawain. Sulit ang 10 months na sakripisyo.

Nang ako'y umapak sa Ikaapat na Taon ko sa Pamantasan. Wala na ang dating sigla at hilig ko sa pag-aaral. So-so ang performance ko sa klase. Kontento na ako sa pasang-awa na grade. Kung sisilipin mo nga ang GWA ko sa nakalipas na anim na semestre, talagang may trend na makikita. Mula sa 1.6 na GWA noong first semester ng 2nd year, unti-unti itong bumaba sa 1.7, 1.8, 1.9 at 2.01 noong nakalipas na semester. Mas napahilig kasi ako sa pamumundok at paglalakwatsa, minsan kahit exam, bundok pa rin ang nasa isip ko. Haay, katamaran, lakwatsa at blog, ito ang tatlong bagay na nagpalihis sa akin mula sa pagiging isang mabuting estudyante ng Pamantasan.

Gayunpaman, matagumpay kong nalampasan ang magulo, masaya, malungkot, mapait, maarte, at makulay na buhay sa BS Biology. Ilang araw mula ngayon isasara ko na ang isang yugto ng buhay ko. Bagong buhay ang aking haharapin, walang katiyakan kung ako'y magiging matagumpay o magiging bahagi ng malaking porsyento ng unemployed. Syempre gusto kong maging kapakipakinabang na mamamayan. Welcome to reality Mr. Ivan Cultura.

_________________________________________________________________

Pamamaalam sa Pamantasan: Ang Kuwento ng Aking Buhay Kolehiyo

Ikalawang Bahagi

.

6 comments:

  1. wow!!ang kulet parin ng post mo, ano kaya sasabihin ng mga prof mo pag nabasa nila ito!!!hahaha

    Ivan, ang taas pa rin ng grade mo!!hahaha, nakakainis nga yung feeling pag una kang nakakuha ng grade na below 2.0, guguho na bigla ang pangarap mong maging cum laude..hahaha!!#nakakarelateako! pero still masaya pa rin kasi natapos mo!!!

    For sure makakahanap ng work!!kahit hindi ka na magiging doctor ng medisina malay mo ibang doctor ka nmn..yes!!!hahaha!!

    byahe lang ng byahe!! ingat!!

    ReplyDelete
  2. LOL sa "Sinama niya rin sa hukay ang pangarap ng karamihan sa amin na makakuha ng cum laude." pati yung prof na nagbebenta ng mga chichiria! :))

    ReplyDelete
  3. Hahaha!!! Nakakatuwa talagang basahin ang mga kwento mo. Aabangan ko ang mga susunod pa. :)

    ReplyDelete