Saturday, March 24, 2012

Pamamaalam sa Pamantasan: Ikatlong Bahagi

Sundan ang Una at Ikalawang bahagi sa mga link na sumusunod: Unang Bahagi, Ikalawang Bahagi

Anong mundo ang naghihitay sa akin sa oras na mahawakan ko ang rolyo ng isang papel? Handa ko na bang buksan ang pintuan na hindi ko alam kung ano ang nasa likod? Handa na ba ako pumasok sa mundong ibang-iba sa nakasanayan ko na?


Yugto III: Batch 2012

Sa wakas gagraduate na ako! - ito marahil ang sigaw ng bawat estudyanteng magtatapos ngayong Marso (congrats sa atin, Batch 2012). Ito ang isa sa pinakamahalagang kaganapan sa buhay ng isang tao. Ito rin kasi ang isa sa mga pinakamalaking achievement na masarap ipagmalaki.

Pero bukod sa sarili mo, merong pang tao na mas proud sa na-achieve mo. Siyempre ang mga magulang mo yon. Mula sa pagsuot ng itim na toga, pagmarcha patungong entablado, hanggang ang pag-abot mo ng diploma, proud sila sa'yo, ito marahil ang kanilang "pinaka mostest proudest moment". Ang ibang magulang nga mangiyak-ngiyak pa, hindi ko nga lang alam kung dahil yun sa na-achieve mo o dahil bawas gastos ka na sa kanila. Mawawala na ang araw-araw na paghingi mo ng baon, ang araw-araw na paghingi mo ng pamasahe, ang gastos sa paggawa ng mga project, pati ang mga delehensya... nakaraos na sila sa wakas. Natapos na ang obligasyon nila sayo, matagumpay ka nilang napag-aral mula nursery hanggang fourth year college (17 years worth na matrikula). Ipagpalagay nating 10thou ang tuition fee sa nursery, kinder at prep, 30thou na kagad sa unang tatlong taon na pagpapaaral. Pagdating ng elementary, sabihin nating 25thou kada taon, 150thou na 'yon pagkagraduate ng Grade 6. Sa high school naman, 30thou bawat taon, 120thou ang nagastos sa buong high school. Pagsapit ng college, P40 na lang ako kada semestre.. P320 lang pala sa buong college life. Sumakatutal, tumatagingting na P300,320.00 ang pinangtustos nila sa 17 years kong pag-aaral. Hindi pa kasali diyan ang araw-araw na baon at mga hingi na panggastos sa mga project, napakasakit sa bulsa. Maski ako masayang sa wakas ay hindi na nila iisipin ang pang-gastos sa akin. Kaya naman, marapat lang na sa kanila talaga i-dedicate ang diploma.

Sa wakas gagraduate na ako, pero maraming pagbabago ang magaganap sa buhay ko kapag dumating ang oras na ito. Officially, hindi na ako estudyante pagkatapos ng araw na iyon. Wala na ang pinakamamahal kong 'student discount', hindi ko na isusuot ang mahal kong uniform, wala na ang araw-araw na baon mula kay mommy, wala na ang mga assignment at makakapal na librong pinagkakapuyatan... wala na lahat!

Haay, napakabilis ng panahon, ngayon pa lang namimiss ko na kagad ang buhay estudyante. Lalo na syempre ang Pamantasan na humasa sa aking isipan. Apat na taon, apat na mahahabang taon ng aking buhay ang inilagi ko sa Pamantasan. Saksi ang Pamantasan sa pagkakahubog ng aking kaalaman, sa aking mga kalokohan, sa aking mga tagumpay, sa aking mga kabiguan. Saksi ang Pamantasan sa buong buhay kolehiyo ko.

Mamimiss ko ang Gusaling Lacson, ang nakakapagod nitong hagdanan pati ang nangkukulong nitong elevator. Gayundin ang dalawang regular operator ng elevator na sina Ate Flor at Kuya Sungit. Tatlong taon akong nagpalakad-lakad sa corridor nito. 

Mamimiss ko ang Manggahan pati ang kiosk na binibilhan ng siomai with rice na bumubuhay sa akin tuwing lunch break.   

Mamimiss ko ang Gusaling Bagatsing aka Med Building, ilang beses akong dumaan sa harap nito at minsang nangarap na balang araw ay mag-aaral ako sa loob nito bilang isang masipag na Med Student.

Mamimiss ko ang Gusaling Katipunan at ang underground Library nito. Ilang beses din akong nagtago doon upang matulog o di kaya'y magpalipas ng lunch sa oras ng pagtitipid.

Mamimiss ko ang Gusaling Corazon Aquino, ang may malawak at tahimik na mga comfort room. Syempre dito ako tumatakbo sa oras ng pangangailangan.  

Mamimiss ko ang matandang Gusaling Villegas, ang gusaling hindi matinag kahit na mukhang guguho na sa isang pitik lang. Dito ko inilagi ang halos buong unang taon ko sa Pamantasan.

Mamimiss ko ang Gusaling Atienza, ang mala-freezer nitong aircon pati na ang side gate na madalas kong pagtakasan kung wala ako ID.

Mamimiss ko ang Gym at ang Field, saksi sa mga kapalpakan ko sa mga PE class.

Mamimiss ko ang UAC at Tanghalang Bayan, hndi ko alam kung bakit pero maimiss ko rin ang mga ito.
Di na mabilang ang mukha na nakasalubong ko sa loob ng pamantasan, hindi na mabilang ang mga taong nakadaupang-palad, nakaututang-dila, nakakiskisan ng siko. Maraming tao ang naging bahagi ng aking buhay kolehiyo sa Pamantasan.
Maraming salamat sa mga University Guard na walang sawang sumisita sa buhok, sapatos, damit at ID ng mga estudyante. Tinuruan niyo ako ng tamang disiplina.

Maraming salamat sa mga Janitor ng Pamantasan, tinuruan niyo akong pangalagaan ang kapaligiran.

Maraming salamat sa mga Photocopy Operators, tinulungan niyo akong makatipid sa pagbili ng makakapal na libro.

Maraming salamat sa mga Tindera sa canteen at kiosk, binusog niyo ako sa loob ng apat na taon.

Maraming salamat sa mga Librarian, kahit na halos hindi ko naman kayo nakasalamuha, tinuruan niyo aking panatilihin ang katahimikan.

Maraming salamat sa lahat ng naging Professor ko mula pa noong simula, walang katumbas ang kaalamang binahagi niyo sa akin. 

Maraming salamat sa lahat ng naging Kamag-aral ko, alam niyo na kung bakit.   

Ambilis ng panahon, ilang oras na lang at malapit na akong grumaduate. Malapit ko nang iwan ang mahal kong Pamantasan.  

Gagraduate na ako't lilisanin ang Pamantasan pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kabisado ang aming University Hymn...
"Pamantasan, pamantasang mahal, nagpupugay kami't nagaalay ng pag-ibig taos na paggalang sa patnubay ng aming isipan, karunungan tungo kaunlaran, hinuhubog kaming kabataan.. "
 ... hanggang diyan lang po ang alam ko.

Gagraduate na ako't lilisanin ang aking Pamantasan. Tatanawin kong malaking utang na loob ang apat na taon kong pananatili sa iyo. Utang na loob ko ang murang eduksyon. Utang na loob ko ang hindi mananakaw na yaman ng kaalaman. Utang na loob ko sa iyo ang mga kaibigang  nakilala ko sa loob ng apat na taon. Utang na loob ko sa iyo ang walang katumbas na karanasan. Maraming salamat sa iyo.

Handa na akong harapin ang bagong yugto ng aking buhay. Handa ko nang abutin ang aking mga pangarap.

Paalam mahal kong Pamantasan, nawa'y masuklian ko ang karunungan iyong ipinunla sa aking isipan.
Paalam mahal kong Pamantasan, nawa'y dumami pa ang kabataang gaya ko na binusog mo sa kaalaman
Paalam mahal kong Pamantasan, ikinararangal kong ako'y produkto mo. 
Paalam mahal kong Pamantasan, maraming maraming salamat sa iyo.






_________________________________________________________________

Pamamaalam sa Pamantasan: Ang Kuwento ng Aking Buhay Kolehiyo

Ikatlong Bahagi


.

16 comments:

  1. Sinubaybayan ko talaga ang bawat bahagi ng ng kwento mo Ivan. Ang galing talaga!! parang kakabugin mo ang graduation speech ng SUMA CUM LAUDE nyo kasi totoong totoo ito. Comgrats Ivan!!

    ReplyDelete
  2. I am touched by this. honestly, never fond of reading tagalog posts but this is an exception Ivan. U made me proud. Congrats!

    ReplyDelete
  3. Wow!!! Ang astig ng speech mo na ito Ivan. Gusto ko yung mga lessons na natutunan mo maslalo na yung tungkol sa mga janitor, gwardya atbp na madalas hindi pinapansin ng mga studyante. Congrats Ivan!

    ReplyDelete
  4. congrats ivan! welcome to the real world :o)

    ReplyDelete
  5. Wew lupet Ivan nag iisa ka! Congrats!

    ReplyDelete
  6. yan dapat ang gamiting speech sa batch nyo!

    congrats ulit! wala ka nang bakasyon tuwing summer simula ngayon hahahaha

    ReplyDelete
  7. ano yung gusaling corazon? san yun banda?
    GL at GV lang ang naging classrooms ko..


    congrats ivan!

    ReplyDelete
    Replies
    1. yun yung pinakabagong building, Gusaling Intramuros yung dating pangalan.

      Delete
  8. Sana ikaw talaga ung class Val. ng graduating class mo.. ang kulit sana ng speech na ito sa entablado.. Gayun paman, ung blog ay pwede na ring matawag na entablabo.. upang maging saksi kami sa buhay at ang mga karanasan mo.. Congrats!!! And pursue med school!^^

    ReplyDelete
  9. Wala na ang pinakamamahal kong 'student discount', hindi ko na isusuot ang mahal kong uniform>>>hahaha... kakatuwa ka talaga. kaya malamang may video ulit si Ed dito. pati manggahan kasama.

    ReplyDelete
  10. Congrats Ivan! wala akong masabe hehehe.... you already!

    ReplyDelete
  11. Nakakatuwa na makakita ng kapwa na isko na naakyat din ng bundok. congrats sir! - Jesus Calupitan Team Tamad Mountaineers PLM Batch 2007

    ReplyDelete
    Replies
    1. wow. sir. aktuwal pinoproject kong magtatag ng outdoor club sa Pamantasan. hehe sana maisakatuparan.

      Delete