Tuesday, July 31, 2012

Usapang Career at Job Hunting | Ikalawang Bahagi

Para sa unang bahagi, sundan lamang ang LINK na ito. 

Ang Buwis Buhay Job Hunting Experience

Tulad nga ng nabanggit ko sa nauna kong lathalain, ang latest kong pangarap ay ang maging isang mahusay na Marine Biologist. Pero bago ko marating iyon, kakailanganin ko munang mag-aral muli ng isang Master's Degree. Naku po, mag-aaral na naman ako, mga 2-3 years din yon depende kung gano karaming units ang kukunin ko. Pagod pa ang utak ko mula sa nakalipas na apat na taon, kaya naman dehins muna ako mag-gagrad studies.

Imbes na tumambay at ngumanga kakahintay sa pagbabalik ng sipag ko sa pag-aaral, mas minabuti ko na munang mag-hanap-buhay para naman meron akong pantustos sa walang kamatayan kong adiksyon sa paglalakwatsa at pamumundok. For 4 months, I entered the first job hunting stage of my life. Apat na buwan akong nagtiis sa nakakapagod na job hunting stage bago ako natanggap sa trabaho ko ngayon. Kung nagtataka kayo kung bakit buwis-buhay itong naging job hunting experience ko, malalaman niyo na sa ilang sandali na lamang.


Ang Simula: Curriculum Vitae

Sinipag lamang akong gumawa ng isang curriculum vitae (aka resume) isang buwan matapos ang aming graduation. Inuna ko kasi muna ang mga pending na lakwatsa na matagal nang planado, sabi ko kasi sa sarili ko, "magiging hadlang sa mga planadong lakwatsa ang mga sched ng job interviews kung mag-aapply na ako kaagad pagka-graduate pa lamang."

Sa una excited pa akong lamanan ang aking CV ng kung anu-anong pang-yabang na impormasyon, kesyo grumaduate ako ng ganito, nag-training ako doon, may karanasan ako sa ganyan. 

Excerpts mula sa aking Curriculum Vitae: 
Professional Goal: It includes long-term growth in leadership and knowledge, excel in the field of natural science, interact and share with team members and colleagues, and develop outstanding solutions to real world challenges
O diba, ka-echosan lang. haha. Sa totoo lang, napulot ko lang yan somewhere sa google search, medyo pinalitan ko lang ang ibang salita para magmukhang original.

At ang photo ko naman na nilagay sa gilid ay ito:


Hindi ko na ipapakita ang iba pang detalye ng aking CV, medyo technical na kasi ang mga pinaglalagay ko doon na tanging ang mga biologists/scientists lang ang makakaunawa. Halimbawa: Executed diagnostic tests for parasitic infections using Direct Fecal Smear Method (DFS) and Formalin-Ether Concentration Test (FECT).


Panggitna: Job Application

Sa nakalipas na apat na buwan, naging suki ako ng mga online applications sites na JobsDB.com at JobStreet.com. Tumingin-tingin ako ng mga opening, at napansin kong kakaunti lamang ang nababagay para sa isang fresh biology graduate.

Kung ikukumpara ang dami ng job openings para sa mga engineering, IT, mass com, nursing, natural science graduates, pinaka marami ay ang sa mga IT, sinundan ng mga engineering, nursing at mass com. Ang pang huli ay ang mga natural science graduates kung saan nabibilang ang mga biologists. Kawawa naman kami. Hindi na ako nagtataka kung bakit may mataas na brain drain rate dito sa Pilipinas, the scientists have no good future here in the Philippines.

Dahil nga kakaunti lang ang opening para sa kursong tinapos ko, kung anu-ano na lang ulit ang pinag-applyan ko. Nandyan ang mga research and development (R&D) jobs mula sa kung anu-anong companies, food technologist sa mga restawran at food manufacturer, laboratory technician sa mga drug at cosmetic laboratories, quality assurance (QA) jobs mula din sa kung anu-anong companies, maging ang pagiging web content writer at pest control inapplyan ko din.

Sobrang hirap din pala mag-hanap ng trabaho. Minsan nga naiisip ko na lang na sayangin ang apat na taon kong kurso at mag-apply na lang bilang isang call center agent. Pero yung ang isang trabaho na kailan man ay hindi ko sinubukang applyan kahit na alam kong may future ako sa job na ito. Isa lang ang aking dahilan, takot kasi ako makipag-usap sa telepono. Tama, takot ako sa TELEPONO. Hindi ko alam kung bakit pero sadyang may phobia ako sa pakikipag-usap sa telepono.

Ang Huli: Job Interviews

Malapit niyo nang malaman kung bakit naging buwis buhay ang job hunting ko.

Sa di rin maipaliwanag na dahilan tulad ng takot ko sa telepono, very uncomfortable din ako tuwing iniinterview ng hindi kilalang tao. Kaya naman sa tuwing makakatanggap ako ng text, email o tawag mula sa mga HR ng mga inapplyan ko, sobra sobra ang kabang nadarama ko, rinig na rinig ko ang bawat kabog ng puso ko sa tuwing sasambitin or isusulat ko ang mga katagan, "alright, I'll be there at exactly (insert time), see you there." 

Unang una dito ay ang R&D staff sa isang cosmetic lab sa QC. Syempre sobrang kabado ako kasi it will be my very first job interview. Ala-una ng hapon ako pinapunta sa laboratory nila sa QC, syempre pumustura ako, long sleeves, slocks at leather shoes. Dahil punctual ako, dumating ako ng 12:45 PM, dalawa kami noon na dumating. Nag-doorbell kami sa gate nila, sinalubong ng isang guwardya at saka hiningi ang aming mga CV. Aba'y akalain mong hindi kami pinapasok sa loob at maghintay lang daw kami sa labas na tawagin, wow lang ha, pero nag-tiyaga kaming dalawa nitong isang BS Biology graduate din na kasabay ko. Kinausap ko sya (medyo uncomfortable kasi alam kong kalaban ko siya sa posisyon) at nalaman kong siya ay nanggaling pa sa ka-Bicolan at nakikipagsapalaran dito sa Kamaynilaan. Napasarap ang aming usapan, hindi namin namalayan na lampas alas-kuwatro na pala ng hapon pero nasa labas pa rin kami ng gate. Kumatok ulit kami sa gate nila pero mag-hintay pa rin daw kami. Sabi ko sa nakasabay ko, "hanggang 5 pm lang ako mag-hihintay, pag-wala pa rin sa'yo na lang yang job na yan." At nag-dilang anghel ako, inabot na kami ng alas-singko pero hindi pa rin kami pinatawag. Disaster ang aking supposed 1st job interview. Sabay kaming umuwi nung kasabayan ko.

Kinabukasan ay meron na naman akong job interview. Kabado na naman ako dahil sa tingin ko ito na talaga iyon. Sa Pasig City ang lokasyon ng isa palang recruitment firm na napasahan ko ng CV, at ang position ay Pest Control Technician (kakalikutin daw yung mga peste ng harina). Akala ko totoong job interview na pero tinawag lang ako sa isang counter, hiningi ang aking CV, tinanong ng ilang detalye at pinag-exam ng abstact reasoning. Tapos ayun na, kokontakin na lang daw ulit. Bago ako umuwi, nakareceive na naman ako ng message mula sa nauna kong inapplyan na laboratory, pinapapunta na naman ako for an interview at 1PM, sorry sila pero hindi na ako interesado. 

Lumipas ang dalawang araw, naka-receive uli ako ng imbitasyon for a job interview - Review Specialist Position. Sa 17th floor ng isang mataas na gusali sa Makati City, sa kanto ng Buendia at Ayala, ang kanilang opisina (sa totoo lang medyo nangarap din akong mag-work sa Makati.. oh yeah Makati Boy). Pag pasok ko ay agad akong binigyan ng folder na naglalaman ng mga exam na kailangang sagutin. Nalula ako sa dami at hirap ng exam na binigay sa amin (part 1 pa lang daw yun), madali lang yung English grammar tests, pero dinugo talaga ako sa Math tests, buti na lang ay pumasa ako. Sa ikalawang bahagi ng exam (essay type at filing ang exam), mula sa anim ay tatlo na lang kaming natira, gutom na gutom na ako (lunch time na kasi), pero tinapos ko pa rin ang exam. Matapos ang madugo at nakaka-stress na exam, pinauwi na kami at kokontakin na lang daw.

Minsan nang makausap ko ang ilang kaibigan, kinamusta nila ang status ng job hunting ko. Sinabi kong dalawa na ang pending na possible jobs ko, isa sa Pasig at isa sa Makati. Agad nila akong diniscourage sa possible job ko sa Pasig dahil recruitment firm daw yun, maliit lang ang magiging sahod ko. Naka-chat ko rin sa FB ang isang dating kamag-aral at nabanggit ko may hinihintay akong job sa Makati, nagkataong napag-applyan din daw niya yun at nalaman kong maliit din ang sahod sa nasabing trabaho. Dahil sa mga narinig kong impormasyon mula sa mga kaibigan, napag-isipan kong hindi na balikan ang mga inapplyan ko sa Pasig at Makati. Magastos ako sa buhay, marami akong kagustuhan, hindi magiging sapat ang mga kakarampot na sahod.

Ang sumunod kong job interview ay sa isang pang-mayaman na ospital sa QC bilang isang Reseach Assistant. Hindi ako nag-apply doon, nirekomenda lang ng isa kong dating kaklase, aktuwali, dalawa kami ng dati ko ring kaklase ang nirekomenda niya sa posisyon. So may kakompitensya na naman ako sa posisyong inaalok. Ininterview kami ng isang doktor na boss doon, kung anu-ano lang ang tinanong niya. Chill na chill lang, petiks interview lang. Matapos ang interview, tinanong ko ang kaklase namin na nagrekomenda sa amin kung ano ang nature ng magiging work namin, ang sabi niya encoding daw ng data, wtf sounds so boring. Kaya naman sa sumunod na interview ng mas mataas na doctor, nag-petiks lang din ako sa pag-sasagot (I honestly don't feel kasi na mag-eenjoy ako sa job na iyon). Kaya naman laking pasasalamat ko na hindi ako ang kunin para sa trabahong iyon.  

Bumalik ako sa Jobstreet at JobsDB upang maghanap pang muli ng mga mapag-aapplyan. Ang sumunod kong interview ay sa Makati ulit, Travel Content Writer daw. So pumunta ako muli sa Makati, sa kanto ulit ng Ayala at Buendia (katapat lang nung mataas na gusali sa Makati na una kong inapplyan). Lumapit ako sa front desk, binigyan ako ng papel na fifill-up-an, tinanong ako kung anong posiyon ang inaapplyan ko, sabi ko Travel Content Writer. Nagulat na lang ako nang sabihin nyang puno na raw yung posisyon na inaapplyan ko, kaya Call Center agent na lang daw ang applyan ko. Nawindang talaga ako, biglaan, walang pag-hahanda, call center agent na pala ang inaapplyan ko. Sabi ko na lang sa sarili ko, "sige na nga subukan ko na rin." Una kaming sinalang sa isang typing speed and accuracy test, kaharap ang isang kompyuter, pinag-type kami ng mga pangungusap (31 wpm ata ang nakuha kong score). Mula sa lampas sampung aplikante, apat na lang kaming natira matapos ang typing speed and accuracy test. Nagpatuloy ang proseso ng aking aplikasyon sa pagiging call center agent, mukhang mapapasabak ako sa trabahong kailanman ay hindi sumagi sa aking isipan. One day application process lang sila, kaya sunod akong sinalang sa isang interview (probably my first real job interview). Ininterview ako ng HR nila, sinagot ko naman with full honesty, ang ending hindi ako tanggap. Paano ba naman kasi, tinanong nila ako kung may plano akong mag-grad studies, sinagot ko syempre yes. Tinanong ako, "how do I see myself 10 years from now," sinagot ko ulit,  "a professional marine biologist doing an extensive reseach." Medyo natakot din ako sa titig nung interviewer, lalo na sa huli niyang tanong na kung gaano daw katagal ang willing kong ibigay na serbisyo sa kompanya nila kung alam kong meroong commitment bond na kapag hindi ko na-meet ay pagbabayarin ako ng mataas na multa. Sa sobrang takot ko ay napasagot ako ng 1 year lang.

Fail na naman ang interview ko, kalagitnaan na ng June, nakakalima na akong job interview pero wala pa akong nakuhang trabaho. June 20 nang maka-receive ako ng text mula sa pang-anim kong job interview. Ang lokasyon ay sa Maynila, malapit lang sa pinag-graduatan kong pamantasan, at ang posisyon ay Program Development Specialist (medyo stranger din yung job posisyon para sa akin pero mukhang magugustuhan ko ito). Sikat ang kompanyang ito at talaga naman malapit ito sa puso ko dahil maraming isda sa loob nito (hindi wet market ah), buhay na mga isda sa loob ng malalaking aquarium. Sobrang gaan ng pakiramdam ko at feeling ko eto na ang magiging workplace ko. Mula sa karanasan ko sa HR ng call center agency sa Makati, iniwasan ko nang maging honest sa pagsasagot sa tanong ng HR. Naging maayos ang aming pag-uusap, ramdam kong nagustuhan ako ng HR ng kompanyang maraming isda. Isasalang na sana ako sa ikalawang job interview ngunit hindi raw present yung mag-iinterview kaya binigyan ako ng schedule next week para dito.

June 27, nakarecieve akong muli ng message mula sa kumpanyang maraming isda, pinababalik nila ako for my 2nd interview sa June 29, 2pm. Labis akong maligaya, feel na feel kong ito na ang magiging trabaho ko.

June 29, Biyernes, 11 ng umaga. Excited akong nagbibihis at nagpapapogi sa harap ng salamin. Ilang oras na lang ay iinterviewhin na ako.

12:30 PM. Nakasakay na ako sa LRT patungo sa aking job interview, medyo kabado. Nagpapractice na rin ako ng mga isasagot ko sa interview.

01:00 PM. Kakababa ko lang ng jeep. Nasa Rizal Park ako, naglalakad na papunta sa aking job interview sa isang kompanyang maraming isda. Nagpapractice pa rin ako ng mga isasagot ko.

01:10 PM. Patawid ako ng kalsada, malapit lang sa Rizal Monument sa Luneta. bandang Kilometer Zero.

01:15 PM (hindi siguradong oras). Naglalakad ako sa pedestrian lane, mayroong matulin na motorsiklo na paparating... napakatulin ng pagtakbo....


BOOM.

wang wang wang.... nagising na lang ako at nasa loob na ako ng isang ambulansya. Tinanong ko ang lalaking nasa tabi ko, sabi niya'y nasagasaaan daw ako. Ramdam ko ang sakit ng mga sugat sa aking mukha, masakit din ang panga ko gayundin ang aking hita.

02:30 PM. Nakarating na kami sa isang government hospital sa Maynila. Agad kong hinanap ang aking cellphone, nasa bulsa ko pa, nasa tabi ko pa rin ang bag ko, wala naman nawalang gamit sa akin maliban sa orange na payong na ginagamit kong trek pole sa tuwing namumundok ako. Naisip ko agad ang hike namin kinabukasan, hindi na ito matutuloy sapagkat ako ang guide nila sa trail.

02:45 PM. Nagtext ako sa unang message na nakita ko sa inbox. Nagkataong isa sa mga participants ng hike kinabukasan ang nakita ko at sinabi ko sa kanyang hndi na matutuloy ang hike dahil nasagasaan ako. Agad din akong nag text sa HR nung kompanyang maraming isda, at nagbakasakaling mai-resched ang aking 2nd interview. Nag-text na rin ako sa dadi ko tungkol sa kamalasang sinapit ko.

Sangkatutak na tawag at messages ang biglang nagdatingan sa cellphone ko, miski hindi ko kakilalang number ay nagtetext din. Maya-maya pa'y nagdatingan na din sa ospital ang ilan kong kaibigan na unang naka-alam ng insidente (maraming salamat sa inyo guys). Nang dumating ang ilan kong kamag-anak, kinausap nila yung nakabangga sa aking, bumbay pala. Hay, unti-unti, naisip kong hindi ko makukuha ang trabahong inakala kong magiging akin na.

sundan ang istorya sa ikatlong bahagi...


14 comments:

  1. aawwww. good thing your ok now. ingat ingat lng.

    pero kakabitin un story.. hehehe!


    low

    ReplyDelete
  2. Pihikan ka rin pala sa trabaho haha! Sabagay maganda naman kasi ang credentials mo. Nakakainis yung per minuto na documentation. Parang "Seconds from Disaster ng nATGEO" haha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. haha.. yung talaga ang peg ko. haha. peyborit ko kaya ang seconds from disaster.

      Delete
  3. grabe naman ung motorsiklo na un, sinagot naman ba medical expenses mo? Anyhoo buti naman at ok ka na.

    ReplyDelete
    Replies
    1. yup, buti at sinagot naman niya ang gastos sa ospital.

      Delete
  4. pangalanan na ayng unang inapplyan mo na pina-intay kayo ng matagal tapos hndi kayo hinarap. Hayop yang mga yan! feeling nila porke applicante ka eh maraming kang oras na mundo na pwedeng sayangin. feeling nila..haha!

    ReplyDelete
  5. Ano nang nangyari sa hike niyo na dapat kinabukasan? Sayang naman. Natuloy na ba?

    ReplyDelete
    Replies
    1. hindi na natuloy yun sir. pero 1 week after ng accident, umakyat ulit kami pero ibang bundok na.. sa Tarak ridge.

      Delete
    2. Sila rin yung kasama mo dapat the following day tama ba?

      Delete
  6. naiyak naman ako... pero grabe... ayos yung mga naranasan mo sa paghahanap ng trabaho. talagang nagtiyaga ka...

    ReplyDelete
  7. Oh my! ngaun alam ko na ang history nung sugat m sa mukha. Tsss. Mag iingat ka palagi Ivan.

    ReplyDelete
  8. Curriculum vitae does play a very crucial role in getting a job interview ... according my understanding it should not increase more than 2 pages with latest work experience and accomplishments... there is this new site for finding jobs in Phil... you might want to check

    ReplyDelete