Sa pagyao ng kahapon, at pagkahimlay ng kaligayahan,
binubulong sa sarili't lubusang inaasam
pag-ahon sa kabunduka't paghimbing kasama ng kalikasan.
Nais nang mapakinggan muli, mga kuliglig at paghuning kagiliw-giliw,
lagaslas ng batis, at maging pagsipol ng hangin.
Mga mumunting tinig na kailanma'y 'di magmamaliw.
Nais ding muli, masilayan ng mga matang nangungulila
tayog ng punong kahoy, at lawak ng luntian,
mga banging matatarik at nakalulula.
Anumang sukal ng kagubata'y buong tapang na tataw'rin,
kung kapalit nama'y kagandahan,
at husay ng Kanyang likhain.
Anumang tayog ng kabunduka'y pilit ding maaabot
kung kapalit din nama'y tagumpay,
kaligayahan ang maidudulot.
At nang makitang lubos ang ganda ni Inang Kalikasan
Sa sarili'y ibinulong, "bakit pa babalik sa mundong kinagisnan,
kung dito nama'y nahanap na ang tiyak na kapanatagan?"
Pag-ahon
-IBC
Takipsilim sa Bundok Maculot |
0 feedback:
Post a Comment